PATAY ang isang retiradong sundalo matapos umanong makipagsagutan sa mga pulis sa ‘quarantine control point’ sa Quezon City nitong Martes ng hapon.
Nais ng pamilya ng napatay na si Winston Ragos, 33, residente ng No. 65 Sampaguita St., Maligaya Park Subdivision, Pasong Putik, QC na paimbestigahan ang pamamaril dito.
Ayon sa ulat ni PCAPT. Nick Fontanilla, hepe ng homicide section ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente sa Maligaya Drive kanto ng Sampaguita St., Pasong Putik, QC, dakong alas-2:30 ng hapon.
Abala umano sa pagmamantine sa ‘Quarantine Control Point’ si PMSgt Daniel Florendo, nakatalaga sa QCPD Police Station 5, kasama ang police trainees na sina Dejeles Gaciles, Arnel Fontillas Jr., Joy Flaviano at Dante G. Fronda, pawang nakatalaga sa Field Training Program ng PNP-Highway Patrol Group nang dumating si Ragos na nagpakilalang sundalo at galit na kinompronta sina Fontillas at Flaviano at sinabing “Ang Sama ng tingin mo, anong problema mo?”
Dahil dito, inimpormahan ng police trainees si PMSg Florendo na agad namang pumagitna at kinausap si Ragos subalit napansin umano ng huli na may bubunutin sa kanyang handbag si Ragos kaya niya ito inunahan.
Isinugod pa sa kalapit na ospital si Ragos subalit binawian din ito ng buhay.
Kaugnay nito, iniutos na ng pamunuan ng Quezon City Police District na imbestigahan ang mga pulis na sangkot sa insidente.
Tiniyak ni QCPD chief Brig. Gen. Ronnie Montejo na sasailalim sa criminal and administrative investigation si PMsg Florendo. <strong>JG TUMBADO</strong>
592 