ISA na ang napaulat na nasawi sa 6.5 magnitude na lindol na tumama sa isla ng Masbate kaninang umaga.
Sa inisyal na report ng Cataingan, Masbate Police, nasawi si retired police colonel Gilbert Sauro matapos matabunan ng kanyang gumuhong tahanan sa Barangay Concepcion, bayan ng Cataingan.
Kabilang naman sa mga nasugatan si Ronalyn Condrillon, residente ng Barangay Poblacion.
Batay pa sa report, marami pa ang bilang ng nasugatan at inaalam pa ng mga awtoridad ang eksaktong bilang at pangala ng mga ito.
Sa report ng PHIVOLCS, 5 kilometro sa Timog Silangan ng Cataingan ang epicenter ng lindol na may lalim lamang na 1 kilometro.
Batay pa rin sa inisyal na report, naapektuhan ng lindol ang old at new public market ng Cataingan, docking area ng Cataingan port, Public Attorneys Office (PAO) sa nasabing bayan, at hindi pa matiyak na bilang ng residential houses.
Wala na ring suplay ng kuryente sa mga bayan ng Cataingan, Palanas, Dimasalang, Placer, Pio V. Corpuz at Esperanza.
Ayon sa mga residente, tumagal ng mula 2 hanggang 3 minuto ang lindol na nagdulot ng takot sa mga residente.
Nanatiling nasa labas ng kanilang mga tahanan ang mga residente dahil sa sunod-sunod na aftershock na nararamdaman.
Patuloy pa ang isinasagawang operasyon ng mga tauhan ng Masbate PDRRMC at iba pang mga rescue group para malaman ang actual na damage ng lindol at ilan ang mga suagatan at casualty. (NILOU DEL CARMEN)
