Rice importation binasbasan ni BBM SMUGGLERS BUHAY NA NAMAN

BUHAY na naman ang negosyo ng mga smuggler matapos ianunsyo mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang umangkat ng bigas ang Pilipinas bago tumama ang El Niño.

Para sa netizens, tila nakahanap ng dahilan ang administrasyon para muling paboran ang paborito nilang kumpanya.

Dahil sa pagkahilig sa importasyon ni Marcos ay hindi rin umano malabong sumunod sa bigas ang muling pag-angkat ng asukal, sibuyas at iba pang produkto.

Nauna rito, sinabi ni Marcos na pinag-aaralan niyang pumasok sa isang rice importation deal sa India sa pangamba na magkaroon ng rice shortage matapos maapektuhan ng Super Typhoon Egay ang agriculture sector.

Sa situation briefing ukol sa epekto ng ST Egay sa Cagayan Valley, noong Sabado, inamin ng Pangulo na labis siyang naalarma sa pinsalang dulot ni Egay sa sektor ng agrikultura.

“Ninenerbyos ako tataas na naman ang presyo kahit mag-import tayo. That’s the problem that I see,” anito.

Winika pa ng Pangulo na kakausapin niya ang Indian government kung makapagbibigay ito sa Pilipinas ng bigas lalo pa’t ang ibang bansa gaya ng Vietnam ay hindi na nage-export ng naturang produkto.

Bagaman hindi na nagulat ang publiko sa anunsyo ng Pangulo, marami naman ang nagpahayag ng pagdududa na maging daan na naman ang importasyon para makalusot ang mga smuggler.

Matatandaang kamakailan ay hinamon ni Senadora Risa Hontiveros si Marcos Jr. na totohanin ang kanyang babala laban sa smugglers at hoarders sa pamamagitan ng agad na pagsasampa ng kaso laban sa mga ito.

Sinabi ni Hontiveros na kung seryoso ang Pangulo sa kanyang pahayag, dapat simulan ito sa mga sangkot sa smuggling ng asukal.

Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang mga opisyal ng Department of Agriculture at iba pang opisyal ng executive department na nagpahintulot ng anya’y smuggling ng tone-toneladang asukal.

Ipinaalala ni Hontiveros ang tatlong kumpanyang nagpasok sa bansa nitong buwan ng Pebrero ng daan-daan libong tonelada ng asukal mula sa bansang Thailand, bago lumabas ang Sugar Order number 6.

Binigyang-diin ng mambabatas na base sa Anti-Agricultural Smuggling Law, malinaw na ang pagpupuslit ng imported na asukal nang walang sugar order mula sa sugar regulatory administration ay maituturing na smuggling. (CHRISTIAN DALE)

450

Related posts

Leave a Comment