CAVITE – Patay ang isang 37-anyos na driver nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang konkretong poste sa gilid ng kalsada sa Gen. Trias City noong Lunes ng gabi.
Isinugod sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktimang si Fernando Bersola Dacles, ng Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City subalit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Christopher H. Dumalo ng Gen. Trias City Police, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo na Yamaha TFX 150, at binabagtas ang Arnaldo Highway, Brgy. Santiago, Gen. Trias City dakong alas-11:40 ng gabi patungo sa direksyon ng Brgy. Pasong Camachile.
Ngunit pagsapit sa Brgy. Santiago ng nasabi ring lugar nang mawalan siya ng kontrol sa manibela at rumampa sa gutter at sumalpok sa isang kongkretong poste sa tabi ng kalsada. Humampas ang katawan nito na nagresulta sa kanyang kamatayan.
(SIGFRED ADSUARA)
