PATAY ang isang 24-anyos na rider nang pumailalim sa delivery truck makaraan nitong tangkaing unahan at mag-overtake sa nasabing sasakyan sa Juan Luna St., Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Sabado.
Dead on the spot sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Mark Jefferson Manalo, binata, ng Coral St., Tondo.
Kusang loob namang sumuko sa Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang 52-anyos na driver ng delivery truck na hindi na pinangalanan.
Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente bandang alas-11:50 ng hatinggabi sa Juan Luna St. sa Tondo.
Ayon sa pagsisiyasat ng pulisya, walang suot na helmet ang biktima at wasak din ang minamaneho nitong Yamaha Mio 125.
Nabatid mula sa kuha ng CCTV footage sa lugar, tinangka ng biktima na i-over take ang truck sa kanang bahagi ng kalsada.
Ngunit nabulaga ang biktima sa isang tricycle na paparating kaya nawalan ng kontrol ang motorsiklo at bumangga sa unahang bahagi ng truck hanggang sa tuluyan itong magulungan.
Depensa ng tsuper ng truck, hindi niya namalayan ang rider dahil sa ‘blind spot’ ito dumaan,
Ang truck driver ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. (RENE CRISOSTOMO)
393
