CAVITE – Hindi nakaporma ang isang motorcycle rider na sinita dahil sa hindi pagsusuot ng helmet ngunit dinampot dahil sa nadiskubreng nakatagong droga sa compartment ng kanyang motorsiklo sa Gen. Trias City noong Lunes ng gabi.
Nakatakdang i-inquest sa piskalya ang suspek na si alyas “Rainer” ng Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat, nagkasa ng Oplan Sita/Chokepoint ang mga operatiba ng Gen. Trias Component City Police Station sa Grand Riverside Subdivision, Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias City bandang alas-9:55 ng gabi kung saan pinara ang suspek na sakay ng itim na Yamaha Mio Soul na may plakang 307-IWB, at sinita dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Nang hanapan ng lisensya at dokumento, binuksan ng suspek ang compartment kung saan nasilip ng mga operaiba ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto. (SIGFRED ADSUARA)
144 