RIZAL – Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek (riding in tandem) na napatay sa engkwentro nang tumakas sa “Oplan Sita” sa bayan ng Angono sa lalawigang ito.
Ayon kay Angono PNP Chief of Police, P/Lt. Col. Ferdinand Ancheta, dakong ala-1:00 ng madaling araw nitong Miyerkoles, tumakas sa checkpoint ang mga suspek habang sakay ng motorsiklo sa Brgy. Mahabang Parang sa Angono.
Nagkaroon ng habulan sa pagitan ng mga awtoridad at dalawang suspek hanggang sa makarating sa bahagi ng Quarry Road, sa Binangonan, Rizal.
Dito sumemplang ang sinasakyang motorsiklo ng mga suspek at pinaputukan ang mga pulis na tinamaan ang isa sa bulletproof vest.
Bukod dito, binaril din ng mga suspek ang mobile car na tinamaan sa kanang bahagi.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Nauna rito, nagkaroon umano ng nakawan ng motorsiklo sa isang subdivision kaya’t naglatag ng checkpoint at ipinairal ang “Oplan Sita” ngunit tumakas ang mga suspek nang patarin ng mga awtoridad dahil walang plaka ang sinasakyan nilang motorsiklo. (ENOCK ECHAGUE)
238
