ISANG linggo pa ang itatagal ng “road clearing operation” ng mga pamahalaang lokal, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, pinagbigyan ng kagawaran ang kahilingan ng lokalidad na bigyan pa sila ng isang linggo upang tuluyang malinis ang mga kalsada mula sa mga sagabal sa daloy ng mga sasakyan.
Nitong Biyernes, Disyembre 15, ang huling araw ng operasyon na itinakda ng DILG.
Pumayag ang DILG sa kahilingan dahil nahihirapang makakilos nang maluwag ang mga pamahalaang lokal bunga ng patuloy na pananalasa ng COVID-19.
Ang paglilinis ng mga kalsada ay nakabatay sa Road Clearing Operation 2.0 (RCO 2.0).
Ito ay batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 2019 sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ang DILG ang inatasan ni Duterte na magtitiyak na maipatutupad ang kanyang utos sa mga opisyal ng pamahalaang lokal. (NELSON S. BADILLA)
