(NI KEVIN COLLANTES)
KASUNOD ng nakatakda nang pagbubukas ng School Year 2019-2020 sa Lunes, Hunyo 3, pinaalalahanan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga mag-aaral na maging alerto sa kanilang pagbiyahe at paglalakad sa pagpasok sa eskwela at pag-uwi sa kanilang mga tahanan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Kaugnay nito, naglabas ng ilang road safety rules ang DOTr na bahagi ng programang ‘Oplan Biyaheng Ayos: Balik-Eskwela 2019.’
Kabilang sa mga naturang panuntunan ang: 1. Maging alerto sa pagtawid sa kalsada; 2. Tumingin sa Kaliwa at Kanan bago tumawid; 3. Huwag tumakbo sa kalsada; 4. Alamin ang mga safety at pedestrian signal; 5. Gamitin ang pedestrian lane o overpass sa pagtawid; 6. Huwag gumamit ng gadgets habang tumatawid; 7. Huwag maglaro sa kalsada o malapit sa parking areas; at 8. Gamitin ang mga sidewalk sa paglalakad.
“Back to school na sa Lunes!” ayon sa DOTr. “Kasabay nito ay ang pagbabalik muli ng mga mag-aaral sa pagko-commute, paglalakad at pagtawid sa daan.”
“Bukod sa mga naihandang uniporme at gamit pang-eskwela, mahalaga rin na sila ay alerto sa kanilang pagbiyahe. Para masiguro ang kanilang kaligtasan papasok at pauwi mula sa paaralan,” anang DOTr. “Tandaan, maging alerto para iwas-peligro!
“Road safety is a shared responsibility,” ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade.
