(NI BERNARD TAGUINOD)
TITREPLEHIN na ang buwis ng mga may-ari ng sasakyan sa paggamit ng kalsada o ang tinatawag na Road User’s Tax (RUTs) upang makakalap umano ng pondo para sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program at Universal Health Care (UHC).
Sa ilalim ng House Bill 4695 na inakda ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on ways and means, tataas ng hanggang 300 porsyento ang RUT na taunang binabayaran ng mga may-ari ng mga sasakyan sa unang implementasyon ng batas.
Kung ngayon ay P800 ang Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) fee ng mga passenger cars na may gross vehicle weight na 1,600 kilograms o ang mga sedan cars ay magiging P2,912 ang babayaran na ng mga ito sa 2020; P3,028 sa 2021 at P3,056 sa 2022.
Hindi pa kasama ang nasabing halaga sa registration fee at gastos sa emission test ng mga sasakyan.
Ang sasakyan naman na may GVW na hindi lalagpas ng 2,300 kg ay magiging ay P6,876 sa susunod na tatlong taon mula sa kasalukuyang P1,800 habang ang mga lagpas 2,300 kg GVW ay pagbabayarin ng P15,280 mula sa P4,000 sa kasalukuyan.
Lahat ng mga utility vehicles tulad ng pick-up trucks may bigat na na 2,700 kg na kasalukuyang pinapatawan ng P1,000 RUT ay magiging P3,820 sa taong 2022 habang ang mga SUV na tumitimbang ng 2,700 kg ay magbabayad ng hanggang P4,393.
Mas matataas naman ang babayaran ng mga mas malalaki at mabibigat na sasakyan tulad ng mga truck kapag naipasa ang nasabing panukalang batas ni Salceda.
Gayunpaman, inililibre naman ni Salceda ang mga motorsiklo sa RUT dahil sasakyan umano ito ng mga mahihirap at ginagawang alternatibong sasakyan dahil sa problema sa trapik.
Ayon sa mambabatas, kapag naipatupad ang nasabing batas sa 2020 ay makakakolekta ng karagdagang P8.12 Billion sa buwis; P9.62 Billion sa 2021; P10.57 Billion sa 2022, P28.44 Billion sa 2023 at P32.61 Billion pagdating ng 2024.
Kalahati sa makokolektang buwis aniya ay ipopondo sa UHC habang ang natitirang kalahati ay para naman sa modernisasyon ng PUV.
