ROBERT UY DATI NA PALANG NA-BAN SA BOC!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ISANG kakilala ang tumawag sa inyong lingkod nang mabasa nito ang aking mga post ukol sa aming social media page at ang aking sinulat sa pitak na ito ukol kay Mr. ­Robert Uy, ang representative ng Association of Bidders of the Bureau of Customs (ABBC), at may-ari ng FR Agbay Enterprises, ang nagwagi sa bidding na ginawa ng Auction Division ng BOC na pinamumunuan ni Dolores Domingo.

Ayon dito, itong si Robert Uy raw ay rati nang na-ban sa opisina ng BOC sa South Harbor noong panahon ni ­Commissioner Ramon Farolan, kung saan binantaan pa raw nito na ipa­tatapon sa labas ng opisina ng Customs kapag nakita ito.

Ang dahilan ay may kinalaman daw sa pagkakasama ng pangalan nito sa listahan ng mga smuggler na inilabas ng Malacañang noong panahon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada, na mariin naman nitong itinanggi. Nauna nang pinagbawalan na pumasok sa loob ng BOC si Uy ni dating Commissioner Nelson Tan.

Si Nelson Tan ay pinalitan ni dating BOC Commissioner ­Ramon Farolan matapos na ­mabigo itong sugpuin ang ­talamak na smuggling sa ahensya noong panahon nito sa ahensya.

May mga akusasyon din noon kay Robert Uy na ­ginagamit nito ang pangalan ni dating ­Pangulong Erap noong mga panahon na nakaupo pa ito sa pwesto, kapag may transaksyon daw ito sa loob ng BOC.

Ito ay itinanggi rin niya at sinabing hindi niya kilala nang personal ang dating Pangulo at isa lang daw siyang small-time businessman na matagal nang sumasali sa mga bidding sa BOC simula pa noong 1977.

Idinagdag pa ng aking kaibigan na sumulat daw itong si Robert Uy kay Comm. Farolan upang tanggalin na ang “ban” na ipinataw sa kanya ni Tan ayon na rin sa payo ni Atty. Aaron ­Redubla, ang chief of staff ni Comm. Farolan.

Tanong ng kaibigan ko sa akin bakit daw hindi ko kilala itong si Uy gayung nasa media na ako noong mga panahong iyon. Ang sagot ko dito ay dahil siguro nasa ABC 5 na TV5 na ngayon at marami akong ginagawa bilang empleyado ng News and Current Affairs.

Putok na putok raw ang pangalan nitong si Robert Uy noong panahon ni dating ­Pangulong Erap dahil sa mga akusasyon laban dito.

399

Related posts

Leave a Comment