LUNGSOD NG NAGA — Ipinahayag ni dating vice president Leni Robredo ang kanyang buong suporta sa kandidatura ni dating Department of the Interior and Local Government secretary Benhur Abalos Jr. sa Senado, at hinikayat ang kanyang mga kapwa Nagueño na iboto ang dating alkalde ng Mandaluyong, na aniya’y matagal nang tahimik na tumutulong sa lungsod.
“Matagal na po natin siyang kaibigan, naging Mayor siya ng Mandaluyong nang matagal na panahon, naging DILG Secretary po siya—isang napakagaling na DILG Secretary—at naging MMDA Chairman. Ngayon ay tumatakbo siyang senador,” ani Robredo sa salitang Bicolano.
“Nu’ng Bagyong Kristine, pabalik-balik siyang nagtatabang, ano lang pati, silencio lang na nagtatabang,” dagdag pa niya. (“Noong Bagyong Kristine, paulit-ulit siyang bumalik para tumulong. Tahimik lang siya pero laging nandiyan.”)
“Tatabangan naman ini pagka sa kanya. Bobotohan natin siya pagka-senador,” aniya pa. (“Tutulungan natin siya sa kanyang kandidatura. Iboboto natin siya bilang senador.”) “Kaya kapag siya ay naging senador, siguradong tutulungan niya tayo. Kaya tayo rin, tulungan natin siya,” dagdag ni Robredo.
Ginawa ni Robredo ang pag-eendorso noong ika-23 ng Abril—araw ng kanyang kaarawan—nang dumalaw si Abalos sa kanya sa lungsod. Parehong nagsilbi si Abalos at ang yumaong asawa ni Robredo na si Jesse Robredo—isang Ramon Magsaysay Awardee—bilang mga alkalde at naging kalihim ng DILG.
Kinilala rin ni Robredo ang naging pagtulong ni Abalos sa Naga sa mga panahon ng sakuna.
“Tahimik lang po yung pagpunta niya dito pero lagi siyang tumutulong,” sabi pa niya sa Bicolano.
Noong nakaraang buwan, bumisita si Robredo sa Mandaluyong Cemetery of Life—isang pampublikong proyekto na pinangunahan ni Abalos. Hinangaan ito ni Robredo at sinabi niyang nais niyang ipatupad ang ganitong makatao at makabuluhang proyekto sa Naga.
Bilang tugon, taos-pusong nagpasalamat si Abalos at nangakong dadalhin niya ang mga adhikain ng mga Bicolano sa Senado.
Inilahad niya ang kanyang mahaba at malawak na karanasan sa serbisyo publiko: mula sa paghubog ng Mandaluyong bilang isang “Economic Tiger City,” hanggang sa pagpapatupad ng Project TEACH para sa mga batang may kapansanan—na kinilala ng United Nations—at pagsulong ng in-city housing para sa mahihirap, pati na rin ang pagtatayo ng isang makabago at may dignidad na pampublikong sementeryo.
Bilang MMDA Chairman noong pandemya, pinangunahan niya ang koordinasyon ng mga health protocol sa buong Metro Manila.
Bilang DILG Secretary, sinimulan niya ang mga reporma sa hanay ng pulisya at pinangunahan ang paghuli sa ilang high-profile na pugante.
Inilahad din niya ang mga pangunahing panukalang isusulong sa Senado: ang pagtanggal ng VAT sa kuryente, pag-amyenda sa Rice Tariffication Law para protektahan ang mga magsasaka, pagtutol sa desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot sa commercial fishing sa loob ng 15-kilometrong municipal waters, at pag-amyenda sa Local Government Code of 1991, at iba pa.
Sa kanyang pagtatapos, ipinaalala ni Abalos sa mga botante: “Suriin nating mabuti ang ating mga kandidato. Sa kanilang mga kamay nakasalalay ang ating bansa sa susunod na anim na taon. Suriin, tingnan nating mabuti ang kanilang mga accomplishments at mga plataporma.”
