INANUNSYO ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na positibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa kanyang social media account, nag-post si Villar ng “I regret to announce that today, July 15, I received my test result and it is positive for COVID-19.”
Kaugnay nito, inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sasailalim siya sa quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanyang swab test dahil isa siya sa mga nakahalubilo ni Villar nito lamang nakaraang Biyernes.
Aniya, magkasama sila ni Sec. Villar sa isinagawang contract signing at ground breaking ceremony ng Cavitex segment 2 and 3a nitong July 11.
Sinabi pa ni Sec. Roque na sumailalim na siya sa swab test at naghihintay na lamang ng resulta.
Pero kahapon din ng hapon, inanunsyo ni Roque na negatibo ang resulta ng kanyang Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
“I am pleased to announce that the results of my RT-PCR Test conducted yesterday in Taguig City yielded a negative result,” ayon kay Sec. Roque.
Magkagayon man aniya ay patuloy siyang mag-iingat at sasailalim sa rapid test sa kanyang pagpasok at pagdalo sa pulong kasama si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
At bilang bahagi ng precautionary measure ay mananatili siya sa pinakadulong kuwarto.
Samantala, inihayag din kahapon ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na negatibo siya sa COVID-19 batay sa resulta ng isinagawang test sa kanya.
Magugunitang sumailalim sa COVID-19 test si Sec. Lorenzana at nag-quarantine matapos magpositibo ang kanyang senior military staff na nakasama nito sa Subic, Zambales at sa Jolo, Sulu noong Lunes.
Una rito, inihayag ng kalihim na sasailalim siya sa self-isolation at swab test matapos magpositibo ang kanyang staff na kasama nila ni AFP chief of Staff General Felimon T. Santos sa dalawang nabanggit na biyahe. (CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL)
