INIHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na nailipat na sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang Russian Youtuber na si Vitaly Zdorovetskiy noong Hunyo 11.
Si Zdorovetskiy ay naaresto noong Abril dahil sa kinahaharap na ilang lokal na kaso bunsod ng paglabag sa batas sa imigrasyon.
Mananatili siya sa kulungan hanggang maresolba ang mga kaso bago siya pabalikin sa kanilang bansa dahil tumanggi ang BI sa hiling nitong magpiyansa para sa pansamantala niyang paglaya.
Ayon sa BI, ito ay hindi lang basta usapin ng administrative procedure kundi pagprotekta sa integridad ng batas sa imigrasyon.
Giit pa ng BI, walang espesyal na trato sa mga dayuhang lumalabag sa batas.
Nakilala si Zdorovetskiy, isang Russian content creator, sa paggawa ng mapanirang prank videos at problematikong asal habang nasa Pilipinas.
(JOCELYN DOMENDEN)
