ISANG kaso pa lamang ang siguradong isasampa ng Task Force Against Corruption (TFAC) sa susunod na linggo sa Office of the Ombudsman (OMB) mula sa 208 reklamo ng katiwalian at korapsyong natanggap ng task force.
Hindi inilabas ng hepe ng TFAC na si Justice Secretary Menardo Guevarra ang detalye ng kaso dahil hindi pa ito naihahain sa OMB.
Ang OMB ang magbibigay ng hatol sa mga kakasuhan, o kaya isasampa nila sa Sandiganbayan ang mga kaso kung kinakailangan itong gawin.
Ani Guevarra, mula nang simulan ng TFAC ang trabaho nito ay 208 ang reklamong natanggap nila na nag-aakusa ng iba’t ibang klaseng katiwalian at korapsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa bilang na ito, 148 ang “aktuwal na kaso ng korapsyon”, 69 ang kasalukuyang binubusisi at 40 ang ipinadala sa mga ahensiyang inireklamo ang mga opisyal at kawani upang palakasin ang mga kaso bago isampa sa Office of the Ombudsman.
Sa pagtatapos ng termino ni Duterte matatapos ang trabaho ng TFAC batay sa direktiba ng pangulo. (NELSON S. BADILLA)
