Sa ‘blank bicam report’ HUWAG GAWING ISTUPIDO MGA PILIPINO – ATTY. VIC RODRIGUEZ

“HUWAG tayo namang masyadong gawing bobo nung kongresista na nagsasalita na ito ay typographical or mere clerical or printing error”.

Ang pahayag ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ay sagot sa depensa ni House appropriations committee acting chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo na may omnibus motion na nagbibigay ng otorisasyon sa Bicameral conference committee secretariat na itama ang mga pagkakamali sa General Appropriations Bill (GAB).

“I agree there is a omnibus motion….pero hindi naman istupido ang Pilipino para hindi maunawaan kung ano ang nilalaman ng omnibus motion,” ani Rodriguez dahil nakasaad sa omnibus motion na tanging “correction of typographical, grammatical at printing errors” ang trabaho ng secretariat.

Wala aniyang sinasabi sa nasabing mosyon na lagyan ng halaga ang proyekto at programa ng gobyerno na iniwang blangko sa Bicameral conference committee report ng 2025 national budget na nagkakahalaga ng P6.325 trillion.

Dahil sa ginawa aniyang ito ng Kongreso, inabandona ng mga ito ang kanilang sagradong tungkulin na bantayan ang pera ng sambayanang Pilipino.

“Kaya nga tayo nagsasabi, this is immoral, this is unconstitutional at ito ay nangyari I think, sa kauna-unahang pagkakataon. Talagang with impunity na ang pambubudol sa ating mga Pilipino that’s why we decided to bring the matter to Supreme Court being the last bastion where rights will be settled and controversies maybe heard,” paliwanag ni Rodriguez.

Kinutya rin ni Rodriguez si Quimbo dahil mas magaling pa umano ang mga barangay official sa pagpasa ng budget kaysa kanya at mga kasamahan niya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kawawa naman aniya ang Marikina kapag ito ay nanalo sa susunod na eleksyon.

“Nilalabanan lang namin, bakit, may karapatan kami. Pera ng Pilipino ito eh at huwag mo nang lokohin ang sambayanang Pilipino. Huling-huli na eh. Ulitin ko daig ka pa nung pinakamalayong barangay dyan sa Kongreso. Marunong silang magpasa ng tamang budget, hindi katulad mo, hindi katulad ninyo. Tigilan nyo na yung pambubudol ninyo,” ani Rodriguez.

Umaasa ito na papanigan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon laban sa pambansang budget dahil kung hindi ay malalason aniya ang sambayanang Pilipino.

“This is fruit of poisonous process. Malalason ang mamamayang Pilipino kapag ipinagpatuloy natin itong ilegal, immoral, unconstitutional 2025 budget,” babala ni Rodriguez.

Matatandaang nagsampa na ito kasama si Davao City Rep. Isidro Ungab at 6 na iba pa, ng petisyon sa Korte Suprema para ipatigil ang 2025 general appropriations act (GAA).

Tinawag din nitong sinungaling ang isa pang kongresista sa pagsasabing pulitika ang dahilan kung bakit kinukwestiyon ang pambansang pondo at upang maibalik ang mahigit P2 billion budget ng Office of the Vice President (OVP).

“Nais lang nating ituwid yung mga kasinungalingan ng mga nandyan sa Mababang Kapulungan. Kung ano-anong kasinungalingan ang pinagsasabi. Itutuwid namin kayo hindi dahil kami ay magkakaron ng budget kapag ito ay na-set aside. Pera nyo po ito eh. Kayo ang naglagay ng halaga dito, kayo ang diretsong makikinabang dito eh,” paliwanag pa ni Rodriguez.

Nilinaw nito na kapag kinatigan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon ay hindi magsasara ang gobyerno dahil tuloy-tuloy ang operasyon nito at maging ang sahod ng mga empleyado ng estado gamit ang reenacted budget.

“Ang matitigil lamang ay yung political spending na nilalaman nitong 2025 budget. Doon sila takot. Mabibinbin ang kanilang ayuda, ang kanilang AKAP, yung kanilang AICS, yung kanilang pork barrel projects, pork barrel funds. Dun sila natatakot pag ito ay na-TRO.. pag pinatigil ng Korte Suprema,” ayon pa kay Rodriguez.

62

Related posts

Leave a Comment