Sa COVID-19 outbreak 122 POSITIVE SA QC ORPHANAGE

NANAWAGAN si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa lahat ng pamunuan sa mga trabaho na maghigpit sa pagpapatupad ng minimum health protocols upang maiwasan ang outbreaks ng COVID-19.

Ang panawagan ni Belmonte ay kasunod ng ulat na 122 kabataan at personnel ng Gentle Hands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay ang nasuring positibo sa COVID-19. Kabilang sa mga ito ang 99 kabataan na may edad 18-anyos pababa.

“Mariin nating ipinapaalala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332. Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus,” ani Mayor Joy Belmonte.

Idinagdag pa niya na dapat mapigilan ang outbreak, “the children could have been saved from the life-threatening risks of COVID”.

Ayon naman kay CESU chief, Dr. Rolando Cruz, isang asymptomatic na matanda na dumalaw sa orphanage ang umano’y nagdala ng virus at pinagmulan ng outbreak ng nasabing sakit.

“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” sabi pa ni Cruz.

Kaugnay nito, ang Office of the City Mayor ay agad na kumilos at pinadalhan ng pangunahing pangangailangan ang nasabing pasilidad tulad ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol, at food packs.

Ipinag-utos ni Belmonte sa CESU na bantayang maigi ang kalusugan, lalo na ang mga kabataan at gawing maging aktibo sa pagmamatyag sa iba pang closed settings tulad ng nursing homes.

“Patuloy nating papalawigin ang ating swab testing at contact tracing program para maabot ang mga gaya nitong high-risk closed facilities,” banggit pa ni Belmonte. (JOEL O. AMONGO)

128

Related posts

Leave a Comment