MAAARING ituring bilang mastermind ng flood control project anomalies si dating House Speaker Martin Romualdez kung mapatutunayang kinunsinte niya ang pamamayagpag ng katiwalian.
Sa privilege speech sa Senado, hinimay ni Senador Rodante Marcoleta ang laman ng video statement ni Romualdez kung saan iginiit na hindi siya maaaring maging mastermind sa anomalya dahil collective, multi-layered at nagsasangkot sa lahat ng sangay ng gobyerno ang paggawa ng budget na pinagmulan ng pondo para sa flood control projects.
Sinabi ni Marcoleta na sa paglabas ng video ay tila lalo pang dumami ang tanong na dapat sagutin ni Romualdez.
Ipinaliwanag ng senador na lumilitaw na umamin ang dating lider ng Kamara na bahagi siya ng katiwalian sa flood control projects at kinunsinti ang katiwalian na ginawang normal na sistema.
Idinagdag ng mambabatas na sa pagturo ni Romualdez kay Senate President Francis Chiz Escudero bilang responsable sa kontrobersyal na 2025 national budget, sinabi ni Marcoleta na gumuho ang depensa ni Romualdez sa pagpapaalala na siya ang nag-oversee sa national budgets mula 2023 hanggang 2025.
Binigyang-diin pa ni Marcoleta na nang sabihin ni Romualdez na hindi siya papayag na siya lang ang babagsak, ay tila inamin nito na kabahagi siya ng anomalya.
Kasabay nito, hinamon niya si Romualdez na sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman para sa kapakanan ng publiko.
(DANG SAMSON-GARCIA)
57 