Ni: NELSON S. BADILLA
MISTULANG ‘suki’ na si Health Secretary Francisco Duque III kapag korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang iimbestigahan sa Senado.
Inaasahang kasama na naman si Duque sa isasagawang imbestigasyon ng Senado bilang “committee as a whole” tungkol sa panibagong krimen ng korapsyon sa PhilHealth dahil “Chairman of the Board” ang kalihim ng Department of Health (DOH) sa nasabing ahensiya ng insurance ng mga manggagawang Filipino.
Ang mainit na usapin ngayon tungkol sa korapsyon sa PhilHealth ay ang P2.1 bilyong halaga ng proyektong information technology (IT) na batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) at PhilHealth internal auditors ay sobra ng P98 milyon.
Sisiyasatin din sa Senado ang bagong tatag na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na ayon naman sa nakalap na impormasyon ni
Senador Panfilo Lacson ay nakapaglabas na ng P443 milyon sa ilang pagamutang wala namang akreditasyon sa PhilHealth.
Ang IRM ay bagong latag na mekanismo upang mapabilis ang ayudang pinansiyal ng pambansang pamahalaan, sa pamamagitan ng
PhilHealth, na gagamiting panggastos ng mga ospital laban sa coronavirus disease 2019.
Tinukoy ng nagbitiw na si Atty. Thorrsson Montes Keith mula sa pagiging PhilHealth legal officer na “mafia,” o sindikato, ang ‘utak’ ng malaganap na korapsyon sa ahensiya.
Noong 2019, ginisa rin si Duque sa Senado nang madiskubreng pag-aari ng pamilya niya ang gusali sa Pangasinan na inuupahan ng PhilHealth-Region 1.
Ang malaking kuwestiyon ni Lacson noon ay bakit sa gusali ng pamilya Duque nangungupahan ang PhilHealth, samantalang chairman of the Board of Directors nito si DOH Secretary Duque.
Bilang chairman, dumadaan at inaaprubahan ni Duque ang mga programa at proyekto ng PhilHealth.
Sa panibagong garapalang korapsyon sa PhilHealth ay pinaniniwalaang malaki ang pananagutan ni Duque dahil P98 milyon ang overpriced sa isang bahagi ng P2.1 bilyong IT project nito.
Bukod kay Duque, kasama ring magpapaliwanag sa mga senador si PhilHealth President and CEO
Ricardo Morales hinggil sa malaganap na korapsyon sa naturang state insurance.
Si Morales ay retiradong heneral sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth noong Hulyo 2019.
Inilagay si Morales sa PhilHealth upang sugpuin at tapusin ang korapsyon sa nasabing ahe-nsiyang nasa ilalim ng DOH.
Hanggang ngayon ay mariing iginigiit ni Morales sa media na pawang kasinungalingan ang isiniwalat ni Keith.
