Sa gitna ng allocable issue vs Sandro FIRST FAMILY BUKAS SA LIFESTYLE CHECK

BUKAS ang First Family sa lifestyle check, ayon sa Malacañang, kasabay ng lumalalang isyu sa distribusyon ng “allocable” infrastructure funds.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nabasa na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) report na nagpapakita na nakatanggap ang distrito ni presidential son Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng P15.8 billion mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) allocable funds mula 2023 hanggang 2025—pinakamataas sa 252 congressional districts.

Tiwala ang Pangulo na maipaliliwanag ng kanyang anak ang pondo. “Alam naman po ng Pangulo na alam ni Congressman Sandro Marcos ang kanyang ginagawa at alam niya po kung paano ito sasagutin,” ani Castro.

Handa rin si Sandro Marcos na boluntaryong sumailalim sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), na humahawak ng public infrastructure anomalies. “Siya mismo ang pupunta sa ICI… bigyan lamang po siya ng date,” dagdag ni Castro.

Ayon sa PCIJ report, sinuri ang P1.2 trillion DPWH allocable funds gamit ang impormal na budgeting mechanism na tinaguriang “BBM Parametric Formula.” Lumabas sa report na may malaking disparity sa pagitan ng mga distrito—ang ilang high-population areas ay nakatanggap ng mas kaunti kaysa sa mas maliit na distrito, at may ilang Duterte-aligned lawmakers na zero ang natanggap sa 2025 budget.

Sa tanong kung papayagan ng Malacañang ang lifestyle check sa presidential son o sa First Family, malinaw si Castro: “There is no objection… Wala namang pinagbabawal sa lifestyle check, kahit sino po. Open po, even before.”

(CHRISTIAN DALE)

77

Related posts

Leave a Comment