Sa gitna ng banta ng bagong covid strain CHILD ABUSE LULUBHA PA

NAGBABALA si Senador Imee Marcos na posibleng lumala ang kaso ng pag-abuso sa mga bata sa gitna ng banta ng panibagong COVID-19 strain at sa pagtaas ng infection rate nitong nakaraang

Pasko na posibleng mauwi na naman sa matagal na community quarantine at mas matagal na pagkalantad ng bata sa internet.

Sa pahayag, iginiit ni Marcos ang agarang imbestigasyon sa walang humpay na kaso ng pang-aabuso sa bata sa online mula nang mag-lockdown halos isang taon na ang nagdaan, sabay hain ng

Senate Resolution No.604 bilang follow-up sa panukalang inihain niya noong Agosto.

“Ang pagkaantala ng face-to-face classes ay magdudulot ng patuloy na pagkalantad ng mga grade school at high school student sa mga local at foreign sexual predators na nakaabang sa internet,” diin ni Marcos.

“Ang problema ay maaaring lumaki na kung saan hindi lang indibidwal na mga pervert ang sangkot kundi maging mga organisadong criminal syndicate,” giit ni Marcos.

Ang mga hubo’t hubad na litrato at video ng mga estudyanteng desperadong makabili ng gadget o mabayaran ang kanilang internet bills para sa kanilang online learning ay napabalitang nagbebenta nito sa halagang P150 na kanilang “Christmas bundle” sale nitong nakaraang taon.

Binanggit ni Marcos ang 156.1% na dagdag sa mga kaduda-dudang transaksyon na may kaugnayan sa bentahan ng online child pornography, na umabot sa 27,217 kaso sa unang bahagi pa lang ng 2020 mula sa dating 10,627 noong 2019, base sa ulat ng Anti-Money Laundering Council.

Mahigit sa 68% ng nasabing transaksyon ay may kaugnayan sa remittances na mula US, Australia, Canada, Saudi Arabia, United Kingdom, Norway, United Arab Emirates, Korea at Singapore, ayon sa AMLC.

Karamihan naman sa tumanggap ng nasabing kahina-hinalang remittances sa pamamagitan ng bangko, money issuers at electronic wallets ay mula sa Pampanga, Cebu, Bulacan, Cavite at Quezon City.

Base naman sa rehiyon, mataas at madalas ang pasok ng pera na pambayad sa online pornography sa Rizal, Cebu, Davao del Sur, Bohol at Taguig City.

“Dapat isapubliko ng gobyerno at telecommunications firms ang mga inilatag nilang aksyon at maging progreso ukol dito, o ang kakulangan nito, para agad maresolba ang lumalalang problema,” ani Marcos, sa pagsulong niyang maimbestigahan ito sa Senado. (ESTONG REYES)

223

Related posts

Leave a Comment