ISINALANG na sa committee level ng Kamara ang mga panukalang batas na magbibigay ng emergency power kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa bansa.
Gayunpaman, agad na tinutulan ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang tatlong panukalang nakahain sa House Committee on Basic Education. Ayon kay Tinio, hindi napapanahon ang pagbibigay ng special authority sa Pangulo lalo na’t kasalukuyang iniimbestigahan ang umano’y malawakang katiwalian sa flood control projects.
Kabilang sa mga panukalang tinalakay ang House Bill (HB) 4904 na inakda ng chairman ng komite na si Pasig City Rep. Roman Romulo, HB 5103 ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre, at HB 5302 na isinulong nina Leyte Rep. Anna Victoria Veloso-Tuazon at Sarangani Rep. Steve Solon.
Giit pa niya, kinaya ng Department of Education (DepEd) na makapagtayo ng maraming silid-aralan noong administrasyon ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III nang hindi gumagamit ng emergency powers.
Naniniwala rin si Tinio na dahil umano sa pagkahumaling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa flood control projects, na sinasangkutan ng malaking kickback, ay napabayaan ang pagpapatayo ng mga classroom.
Tinutulan din ni Tinio ang probisyon sa mga panukala na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang maglipat ng pondo mula sa ibang programa para sa konstruksyon ng mga silid-aralan.
Sa ilalim ng proposed emergency power, hindi na idadaan sa public bidding ang proyekto, bagay na tinutulan ni Kabataan party-list Rep. Renee Co. Ayon kay Co, hindi nila mapagkakatiwalaan ang administrasyong Marcos sa paghawak ng nasabing pondo.
Tinatayang nasa 165,000 ang kasalukuyang classroom backlog sa buong bansa. Ayon sa mga may-akda ng panukala, ang pagbibigay ng emergency power ay makatutulong upang mapabilis ang pagresolba sa problemang ito.
(BERNARD TAGUINOD)
44
