Sa gitna ng gun ban 2 PATAY SA PAMAMARIL SA MAGUINDANAO DEL NORTE

MAS pinaigting ng pulisya ang kanilang police visibility sa bahagi ng Maguindanao del Norte kasunod ng dalawang kaso ng pamamaril-patay sa gitna ng umiiral na total gun ban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao noong Lunes ng gabi.

Ayon kay Datu Odin Sinsuat Police Office chief, Lt. Col. Esmael Madin, “Police investigators are still working to determine the motives and identities of the attackers involved in the two incidents, but initial information gathered indicated the attacks were related to illegal drugs.”

Ito ang inisyal na nakikitang motibo ng mga awtoridad kaugnay sa kaso ng pamamaril sa Barangay Poblacion Dalican, na ikinamatay ng 33-anyos na si Bai Rania Guerra, ng Cotabato City.

Naglalakad umano ang biktima nang dikitan at barilin ng ilang ulit ng hindi pa nakikilalang riding in tandem gunmen na naging sanhi ng dagliang kamatayan nito saka mabilis na tumakas ang mga suspek.

Samantala, patay rin sa pamamaril ang 25-anyos na magsasaka na si Rasid Salinogan, residente ng Barangay Tamontaka.

Ayon kay Madin, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo pauwi ng kanilang bahay bandang alas-8:00 ng gabi nang sundan ng dalawang suspek na sakay ng kani-kanilang motorsiklo.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Salinogan matapos ang pamamaril habang mapalad namang nakaligtas ang angkas nito.

Agad na bumuo ng tracking team ang Datu Odin Sinsuat PNP para kilalanin at tugisin ang mga suspek. (JESSE RUIZ)

41

Related posts

Leave a Comment