11% LANG NAGAMIT NI VP SARA SA PONDO SA TEXTBOOK

BAGAMA’T kumpleto ng pondo para pambili ng textbooks sa mga pampublikong paaralan noong 2023, labing isang porsyento lamang ang ginamit ni Vice President at dating Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.

Ito ang nilalaman ng report ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na inilabas kasabay ng pagsisimula sa deliberasyon ng 2026 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon.

Hindi binanggit sa report kung magkano ang kabuuang halaga na inilaan ng Kongreso para pambili ng mga textbook subalit nagpahayag ang CPBRD ng pagkabahala dahil 11% lamang ang ginamit ng ahensya.

Bahagyang tumaas ng 17% ang disbursement rate (DR) sa textbook noong 2024 subalit napakababa pa rin nito dahil kulang ang learning materials sa mga public school sa buong bansa.

“Even more concerning are the PAPs (priority programs, activities, and projects) with DRs lower than 50%, such as the delivery of textbooks and other learning materials (11% to 17% in 2023 and 2024),” ayon sa report ng CPBRD.

Maging sa school-based feeding ay nabigo umano ang DepEd na magamit ang lahat ng pondo para mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga estudyante na makatutulong sa kanilang pag-aaral dahil umaabot lamang umano ito sa 48% noong 2024.

“Value for money, which is the main concern of operational efficiency, is undermined when some government agencies are not efficient in utilizing the budget given to them,” puna ng CPBRD.

Maging ang Department of Health (DOH) ay hindi rin ginagastos ang lahat ng pondong ibinigay sa mga ito para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIP) at Health Facilities Enhancement Program (HFEP).

Base sa nasabing pag-aaral, 92.7% ang obligate rate (OR) ng DOH sa MAIPs noong 2023 at 83.9% naman noong 2024 habang 80% at 58% ang kanilang DR sa magkasunod na taon gayong maraming Pilipino ang nangangailangan ng tulong para sa kanilang hospital bills.

(BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment