NANAWAGAN si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga employer na ipatupad ang flexible work arrangements o pansamantalang pahinga sa trabaho upang maprotektahan ang mga manggagawa mula sa matinding init ng panahon.
“Dapat nating tiyakin na ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga manggagawa ay hindi isinasakripisyo,” saad ni Pimentel.
Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan ang matinding init ng panahon.
Ang heat exhaustion ay nagdudulot ng matinding panghihina, sobrang pagpapawis, at pagkahilo.
Ang heat cramps naman ay sanhi ng matinding pagod at pagkawala ng electrolytes sa katawan, na nagdudulot ng pananakit ng kalamnan.
Pinakamapanganib naman ang heat stroke, kung saan maaaring tumaas nang husto ang temperatura ng katawan, magdulot ng pangangatog, kawalan ng malay, at posibleng ikamatay kung hindi agad naagapan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy ang pagtaas ng heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na naglalagay sa mga outdoor at field workers sa mas mataas na panganib.
Iminungkahi rin ni Pimentel na pag-aralan ang mga hakbang na ginagawa sa ibang bansa, tulad ng United Arab Emirates, kung saan may limitasyon sa oras ng trabaho tuwing matinding init.
Bilang solusyon, maaari anyang ipatupad ang flexible work arrangement, tulad ng pagpapaikli ng oras ng trabaho sa labas, pagbibigay ng sapat na pahinga, at kung maaari, ang work-from-home setup para sa mga empleyadong hindi kinakailangang lumabas ng opisina o trabaho. (DANG SAMSON-GARCIA)
