NANAWAGAN si Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez sa Local Government Units (LGUs) na tiyaking may maganda itong pamamaraan upang masiguro na mapangangalagaan ang mga bakuna sa harap ng nagaganap na mga brownout.
Ayon kay Galvez, mas makabubuting may third party provider na siyang maniniguro sa back up system ng mga lokal na pamahalaan para sa kanilang vaccine handling.
Nabanggit na niya ito sa mga alkalde at binigyang diin na hindi nga imposible na dumating ang power interruption gaya ng nangyayari ngayon.
Sinabi ni Galvez na importante na maproteksiyunan lalo na ang mga bakunang kailangan ng sobrang baba ng temperatura gaya ng Pfizer, Moderna at Gamaleya.
Aniya pa, dito papasok ang back up to the back up approach ng mga LGU na kailangang masigurong may nakaabang na generator sa kani-kanilang warehouse kung saan iniimbak ang bakuna. (CHRISTIAN DALE)
