BINIGYAN ng clearance ng liderato ng Mababang Kapulungan si Davao 1st District Congressman Paolo ‘Polong’ Duterte na bumiyahe sa labing limang bansa, kasama na ang The Netherlands sa Europa.
Sa travel clearance na nilagdaan ni House secretary general Reginald Velasco, inaprubahan ang request ng pangalawang anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na payagan siyang bumiyahe mula Marso 20 hanggang Mayo 10, 2025.
Kabilang sa mga bansang pupuntahan umano ng mambabatas ang Hong Kong, People’s Republic of China, Malaysia, Indonesia, Republic of Korea, Japan, Vietnam, Cambodia, United States of America, Australia, United Kingdom of Great Britain and Northern Ireland, the Netherlands, Germany at France. Hindi idinetalye kung anong petsa sa bawat bansang pupuntahan ni Cong. Duterte.
Noong Marso 12, 2025 binigyan din ng travel clearance ang mambabatas para bumiyahe sa the Netherlands, isang araw pagkatapos arestuhin at isuko sa International Criminal Court (ICC) ang kanyang amang dating pangulo.
Sa naunang travel clearance, nagpaalam ang mambabatas na bibiyahe ito mula Marso 12, hanggang Abril 15, 2025 subalit walang impormasyon kung nakauwi na ito sa Pilipinas mula sa the Netherlands.
Lumalabas na hindi mangangampanya si Cong. Duterte para sa kanyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng unang Distrito ng Davao City.
(PRIMITIVO MAKILING)
