SA paggunita sa ika-16 anibersaryo ng Maguindanao Massacre, nagpaabot ng pakikiisa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa mga naulilang pamilya at sa buong media community.
Pinangunahan ng PTFOMS ang pag-alala sa 58 biktima, kabilang ang 32 mamamahayag at media workers na nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin — ang maghanap ng katotohanan at ihatid ito sa sambayanan. Ayon sa task force, ang kanilang sakripisyo ay paalala sa panganib na kinakaharap ng mga taga-media sa ilalim ng kalayaan sa pamamahayag.
Muling iginiit ng PTFOMS na nananatiling buhay ang panawagan para sa hustisya, lalo na mula sa mga pamilyang matagal nang naghihintay ng pananagutan. Hindi lamang ito sigaw ng paghihiganti, kundi isang matatag na panawagan laban sa impunity, at katiyakan na hinding-hindi na mauulit ang madugong pangyayaring ito.
Nananatiling nakatuon ang PTFOMS sa pagprotekta sa media workers at sa pagtataguyod ng hustisya para sa lahat ng biktima ng karahasang may kaugnayan sa media. Noong Disyembre 2019, naghatid ng pag-asa ang desisyon ng korte nang hatulan ng multiple murder ang ilang pangunahing akusado, kabilang ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan. Malaking hakbang man ito, patuloy pa rin ang mga apela at labang legal.
Tiniyak ng PTFOMS na patuloy itong makikipagtulungan sa lahat ng sektor upang matiyak na susundin ang proseso ng batas at maabot ang ganap na pananagutan ng lahat ng may sala.
Naganap ang trahedya noong Nobyembre 23, 2009.
76
