CAVITE – Makaraang pagnakawan ang dalawang branch ng Alfamart, sinalakay naman ng mga kawatan ang isa pang sangay ng convenience store at kinulimbat ang P4,000 kita noong Lunes ng gabi sa Bacoor City.
Ayon sa salaysay ni John Dave Sinalua, 26, store crew ng Alfamart Niog 2 Branch sa Bacoor City, kay P/SSgt. Andre Abesamis, dakong alas-10:30 noong Lunes ng gabi nang isagawa ang pagholdap sa nasabing branch.
Pumasok umano ang dalawang suspek na nagkunwaring mga customer habang ang isa pa ay nasa labas at nagsilbing lookout.
Pagkaraan ay naglabas umano ng baril ang suspek at nagdeklara ng holdap at tinangay ang P4,000 kita ng tindahan at isang cellphone saka mabilis na tumakas ang mga holdaper lulan ng motorsiklo.
Dakong alas-6:50 ng umaga noong Martes nang i-report ang insidente sa pulisya.
Matatandaan, noong nakaraang Lunes (Oktubre 18) ng madaling araw nang pasukin ng mga kawatan ang Alfamart Buhi, Silang branch at tangayin ang P260,000 kita ng tindahan, sa pamamagitan ng paghuhukay sa ilalim ng convenience store mula sa drainage.
Noong nakaraang Martes naman ng gabi (Oktubre 19) nang akyatin ng mga kawatan ang Alfamart, Soldier Hills branch sa Brgy. Molino 6, Bacoor City matapos tuklapin ang bubong at saka nilimas ang P24,000 halaga ng paninda. (SIGFRED ADSUARA)
323
