CAGAYAN DE ORO – Bilang bahagi ng tinatawag na values transformation sa ilalim ng Performance Governance System (PGS), itinatag ng Bureau of Customs sa Region 10 ang Philippine Customs Muslim Association (PCMA) – Northern Mindanao Chapter.
Ito ay inilunsad isang araw bago nagsimula ang holy fasting period ng Ramadan ng mga kapatid nating muslim.
Sa pangunguna ni Region 10 BOC District Collector John Simon, itinalaga bilang Pangulo ng PCMA Northern Mindanao Chapter si Collector Nasrudin Guro ng Sub-port of Iligan. Bise Presidente naman sina Pangandaman Casan at Abdila Maulana na kabilang sa matataas na opisyal ng BOC sa Port of Cagayan de Oro.
Ang iba pang mga opisyal na itinalaga ay sina Aquisa Macalabao-Tingaraan bilang Secretary General, Norhaifah Marohomsalic na siyang Assistant Secretary, Radjihi Alawi – Treasurer; Analia Adap – Auditor, Fatima Anna Pandi – PIO, Mangigin Macawadib – Sergeant at Arms.
Bilang miyembro ng Board of Directors sina Alinor Asum at Norhaya Guro para sa Mindanao Container Terminal, Gani Buat at Ombao Daunte para sa Port of Iligan ay sina Abdillah Yahya at Ferdausi Campong at para sa Port of Ozamiz ay sina Abdillah Mimbantas at Abul Khair Ampang.
Ayon kay Collector Simon, ang PCMA ay magsisilbi bilang adviser sa policy making ng BOC Port of Cagayan de Oro para mahusay na maresolba ang hidwaan at isyu sa bureau sa gitna ng pagkakaiba ng kultura.
Ang Bureau of Customs Catholic Volunteers sa Northern Mindanao ay magsisilbing counterpart association ng PCMA at inaasahan na magtutulungan sa pagbuo ng ‘cultural diversity at mutual understanding in the workplace’.
(Boy Anacta)
