Sa kabila ng pag-aalburoto MAJOR ERUPTION SA BULKANG TAAL MALABO PA

PINAKALMA ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko sa pangambang tutuloy sa malaking pagsabog ang mga aktibidad ngayon ng Bulkang Taal.

Pagtiyak ni PHIVOLCS Director Renato Solidum, hindi sasabog ang Taal Volcano ng kasing lakas ng nangyari noong 2020.

Ayon kay Solidum, konti lamang kasi ang sulfur dioxide gas ngayon mula sa magma na ibinubuga ng bulkan.

Dahan-dahan din aniyang umaakyat ang magma kaya hindi masyadong mapanganib bagama’t may mga nagaganap na pagsabog.

Sa kabila nito, tiniyak ni Solidum na kanila pa ring binabantayan kung ang magma ay magmumula sa ilalim at kung gaano ito kabilis umakyat.

Kapag naging mas mabilis aniya kasi ang pag-akyat ng magma ay maaaring magdulot ito ng mas malakas na pagsabog.

Inalerto naman ang mga residente ng mga Barangay Bilibinwang, Banyaga, Agoncillo, Boso-boso, Gulod at Bugaan East sa Laurel, Batangas sa paglikas dahil permanent danger zone ang Taal Volcano
Island.

Samantala, pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang mamamayan malapit sa bulkan laban sa ibinubuga nitong abo at sulfur dioxide.

Sa public health advisory ng DOH, maaaring magdulot ng pinsala sa respiratory system at mahirapang huminga ang sinomang makalalanghap o ma-expose sa sulfur dioxide.

Payo ng kagawaran, makabubuting iwasan munang lumabas ng mga residente malapit sa bulkan, isara ang mga pinto at bintana, at laging magsuot ng facemask at protective gear para sa mata, at tiyakin ding matatakpan ang buong katawan upang hindi direktang sumayad sa balat ang asupre na mula sa Taal.

Sakali namang ma-expose sa sulfur dioxide, agad umanong makipag-ugnayan sa mga poison control center o hospitals na malapit sa kanilang lugar.

Babala ng DOH, mapanganib ang abo galing sa bulkan dahil maari itong magresulta sa pagkakaroon ng problema sa kalusugan. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)

440

Related posts

Leave a Comment