(SAKSI NEWS TEAM)
MISTULANG kinunsinte ng mga lingkod-bayan sa lalawigan ng Cebu ang kapalpakan ng kanilang kababayan na si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco matapos silang maglabas ng nagkakaisang pahayag ng suporta para rito.
Labing isang congressman at 47 alkalde ng Cebu ang sama-samang nagdeklara ng suporta kay Garcia-Frasco na kasalukuyang nasa gitna ng kontrobersiya kasunod ng insidente hinggil sa umano’y ‘plagiarism’ sa audio-visual presentation na ginawa ng advertising firm sa likod ng “Love the Philippines” tourism slogan.
Sa manipesto ng suporta na nilagdaan ng local officials sa ilalim ng One Cebu Island at inilabas noong nakaraang Lunes, Hulyo 3, sinabi nilang ikinalungkot nila ang anila’y “coordinated demolition job” na nakadirekta sa liderato ng DOT na resulta ng paggamit ng stock footages ng video na naglalayong i-promote ang natural na kagandahan ng Pilipinas.
“We, the Congressmen, City Mayors, Municipal Mayors, and Councilors under the banner of a united and indivisible One Cebu Island, declare our full and unwavering support to the Department of Tourism (DOT) led by our very own, a Cebuana, Secretary Christina Garcia-Frasco,” nakasaad sa manipesto.
“We, as a united One Cebu Island, express our extreme displeasure and strongly condemn the patent mudslinging and dirty politicking directed at Secretary Garcia-Frasco. We, as a Cebuano people, will not tolerate any black propaganda aimed solely at sullying the reputation of Secretary Garcia-Frasco,” dagdag pa rito.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto sina Cebu City Mayor Michael Rama, Mandaue City Mayor Jonas Cortes at Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan.
Nitong Lunes, inaprubahan din ng Cebu Provincial Board ang resolusyon na sumusuporta sa bagong slogan ng DOT, ang “Love The Philippines” na naglalayong muling isulong ang bansa bilang top tourist destination sa mundo.
Sa kanyang privilege speech, niresbakan ni 5th District PB Member Andrei Duterte, may-akda ng resolusyon, ang mga kritiko na bumatikos sa DOT at kay Frasco hinggil sa bagong tourism slogan, sinabing ang aksyong ito ay naglalayon lamang na maghasik ng kontrobersiya at dungisan ang magandang reputasyon ng kalihim.
Itinuring ni Duterte ang pag-atake kay Sec. Frasco na kumakalat sa social media, bilang “dubious and deplorable”. Aniya, nasaksihan niya ‘first-hand’ ang kasipagan at dedikasyon ng DOT secretary sa pagtupad sa kanyang tungkulin.
“The entire Province of Cebu finds it imperative to fully support this initiative, as it also resonates with the province’s efforts to fully utilize the benefits of tourism for economic recovery, economic growth and countryside development,” nakasaad sa resolusyon.
Nanawagan si Duterte sa mga Cebuano na magtipon-tipon at magpahayag ng suporta kay Secretary Frasco.
“As the chairman of the committee on tourism and as some-one who witnessed first-hand how hardworking our Cebuana secretary is, I cannot just let this issue pass,” aniya pa.
Sa naunang pahayag ni Frasco kung saan inanunsyo niya ang terminasyon ng kontrata sa DDB Philippines, sinabi niyang walang ibinayad ni isang sentimo sa nasabing advertising firm.
Sinabi ng mga opisyal na ang smear campaign ay nagsimula makaraang ituring si Frasco bilang second top performing Cabinet official na may approval rating na 77 percent, at sa gitna ng recent accomplishment nito nang mahalal bilang Vice President ng UNWTO (United Nations World Tourism Organization) General Assembly at Chair ng UNWTO Commission for East Asia and the Pacific.
Dahil dito, dismayado ang mga kritiko dahil malinaw anilang nagkaroon ng kapabayaan at kapalpakan ang ahensya ni Frasco at dapat itong managot gayundin ang iba pang mga indibidwal na isinasangkot sa kontrobersya.
Kabilang na ang pamangkin ni First Lady Liza Araneta Marcos na si Direk Paul Soriano na patuloy ngayong binabatikos sa social media dahil umano sa pakikialam sa proyekto ng DOT na nagresulta ng malaking kahihiyan hindi lang sa bansa kundi sa mundo.
Kamakalawa, ibinalita ng major global outlets sa ibang bansa kabilang ang BBC news ang kapalpakan ng DOT.
259 