HINDI maaaring maghugas-kamay ang grupo ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica at maging si Pangulong Rodrigo Duterte sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro dahil mistulang nakatulugan ng PACC ang kanilang trabaho na sugpuin ang katiwalian sa PhilHealth kaya nagawang nakawin ang bilyon-
bilyong piso sa health insurance ng mga miyembro.
“May pananagutan sila dyan dahil bakit hinayaan nila na magpatuloy ang korupsyon dyan sa PhilHealth,” ani Castro.
Unang sinabi ni Anakalugan party-list Rep. Mike Defensor na nagsimula ang mafia nang ipatupad ng PhilHealth ang All Case Rate (ARC) policy noong 2014 kung saan nagtakda ang ahensya ng presyo ng kanilang babayaran sa bawat sakit.
Subalit ayon kay Castro, nagpatuloy ang sistemang ito sa panahon ni Pangulong Duterte at nabigong sugpuin ng PACC gayung ang trabaho ng mga ito ay labanan ang katiwalian.
Ang PACC ay itinatag ni Pangulong Duterte noong Oktubre 2017 na ang pangunahing trabaho ay sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan at itinalagang commissioner si Belgica.
Gayunpaman, sa joint hearing ng House committee on public account at committee on good government sa katiwalian sa PhilHealth, sa pneumonia pa lamang ay hindi bababa sa P10 bilyon
ang ibinulsa ng mafia.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Marikina Rep. Estella Quimbo na noong 2017 ay nawalan ang gobyerno at miyembro ng PhilHealth ng P5.3 bilyon at tinatayang P6.3 bilyon naman noong 2018.
Maaaring umakyat umano sa mahigit P5 bilyon ang nawala sa raket sa pneumonia noong 2018 dahil sa mga ulat na posibleng lagpas sa 800,000 ang nagkasakit nito sa naturang taon at hindi pa
kasama sa datos na ito ang 2019 at 2020. (BERNARD TAGUINOD)
