Habang pinuputakte ng samu’t saring isyu ng anomalya ang Philippine National Police tulad ng raket sa Good Conduct Time Allowance o GCTA at sa recycling ng droga ng ninja cops ay sumulpot naman ang isyu ng kawalan ng inquest proceedings sa mga pulis na nakapatay sa madugong giyera laban sa droga ng rehimeng Duterte.
Mahalaga ang inquest proceedings sa mga kaso ng pagpatay sa tokhang, dahil dito malalaman kung ang pagpatay ay makatarungan at hindi lamang simpleng pagpatay o brutalidad ng pulisya.
Nalaman ng Bayan Muna na sa inaming 5,793 kaso ng pagpatay ng pulis sa drug suspects ay nasa 253 lamang pulis ang sumailalim sa inquest proceedings. Napakaliit na nga ng bilang na inamin ng PNP sa tokhang, na sa taya ng ilang grupo na nasa lampas 25,000 katao na, ay lalong mas maliit ang mga pulis na nakasuhan sa mga pagpatay na ito. Napakalaking kawalan ng katarungan ito, lalo na sa mga pamilya ng mga pinaslang sa ilalim ng war on drugs.
Ito ay labag mismo sa manual of operations ng PNP na nagsasabing dapat nagkakaroon ng inquest at imbestigasyon kapag nakakapatay ang isang pulis sa pagsasagawa ng operasyon. Malaking kuwestyon ito sa regularidad ng anti-drug operations ng PNP.
Para sa Bayan Muna, kailangan na sa pag-iimbestiga nito ay dapat ding ipatawag si Sen. Bato dela Rosa na siyang u¬nang nagpatupad ng Oplan Tokhang. Mapapansin din ang biglang pananahimik ni Sen. Bato nang maungkat na ang kalokohan sa GCTA at lalo na ang ninja cops. Hindi siya dapat makaligtas sa usaping ito.
Dinoble na nga ang sahod ng mga pulis ay hindi man lang nila ginagawa nang tama at maayos ang kanilang trabaho. Para sa sambayanang Filipino, lalo na sa mahihirap at ordinaryong mamamayan, ang kapulisan ay berdugo lamang na mismong lumalabag sa batas. (KAKAMPI MO ANG BAYAN / TEDDY CASIÑO)
