NAIS patunayan ng tatlong Caloocan City Councilors na hindi paninirang puri ang kanilang isinampang kasong korapsyon sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan noong Miyerkoles, Hunyo 2, 2021.
Sa phone interview ng SAKSI NGAYON kay City Councilor Alou Nubla, ang kanilang pagkwestiyon sa pagbili ng computer tablets na nagkakahalaga ng P320 milyon, ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Malapitan, ay hindi pamumulitika at hindi paninirang puri sa alkalde.
Aniya, mga halal silang konsehal ng Caloocan City kaya karapatan nilang alamin kung paano ginagamit ni Mayor Malapitan ang pondo ng siyudad.
Ayon pa sa kanya, may nakita silang basehan kaya sinampahan nila ng kaso sa Office of the Ombudsman sina Mayor Malapitan; Department of Education (DepEd) Undersecretary Alain Pascua; Caloocan City Treasurer Analiza Mendiola; Oliver Hernandez, tagapangulo ng Bids and Awards Committee, at Annalou Pallarca, senior project officer ng supplier na Cosmic Technologies, Inc.
Partikular na binanggit ni Nubla na mahinang klase ang biniling mga tablet ng lokal na pamahalaan para sa mga mag-aaral sa kanilang nasasakupan.
Sinabi pa niya na bukod sa mahal dahil P4,930 presyo ng kada unit ng Cherry Mobile S7, ay mahinang klase ang mga ito.
Sa katunayan aniya, ay obsolete na ang mga ito dahil ang lalagyan ng sim card nito ay malaki pa, samantalang ang mga bagong unit ngayon ay maliliit na ang lalagyan ng sim card.
Napansin din ni Nubla na pina-customize ni Mayor Malapitan ang mga tablet dahil ginawa itong kulay orange na kilalang kulay ng alkalde.
Sinabi naman ni Konsehal Christopher “PJ” Malonzo sa phone interview ng SAKSI NGAYON, matagal na silang humihingi ng mga dokumento hinggil sa pagbili ng nasabing mga tablet, sa tanggapan ni Mayor Malapitan ngunit hindi sila pinapansin ng alkalde.
Ayon pa sa kanya, as early as January 11, 2021, apat hanggang limang beses silang sumulat sa opisina ni Mayor Malapitan para alamin ang naging proseso ng bilihin ng computer tablets ngunit parang bulag, pipi at bingi ang tanggapan ng alkalde.
Idinagdag pa ni Malonzo, hindi sila namumulitika kundi ang grupo ni Malapitan ang namumulitika dahil pina-customize ang mga tablet na ginawang kulay orange at kung bubuksan ang unit ay makikita sa loob nito na may nakalagay na logong “Aksyon at Malasakit”.
Binanggit pa ni Malonzo, hindi sinunod ng tanggapan ni Malapitan ang standard specification na sinasabi ng DepEd tulad ng 8 inches na sukat, sa halip ang mga binili ay 7 inches lamang.
Sinabi naman ni Councilor Alexander Mangasar, bilang isang halal na opisyal, trabaho nila na alamin ang naging proseso, at pautay-utay ang kanilang request sa mga dokumento tulad ng bidding papers at iba pa.
Akusasyon pa ni Konsehal Mangasar, isang moro-moro lang ang ginawang bidding sa nasabing mga tablet.
Itinanggi naman ng alkalde ang nasabing alegasyon. (JOEL O. AMONGO)
