(BERNARD TAGUINOD)
KINUHA nina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang serbisyo ni Atty. Lary Gadon para sampahan ng kaso ang mga ospital at health officials na sobra-sobra ang ipinapatong sa remdesivir na itinuturok sa mga pasyente kahit ipinagbawal ito ng World Health Organization (WHO) at walang pruweba na nakagagamot ito ng COVID-19.
“Gusto lang sana na matulungan ninyo (ang mga biktima) kasama rin po kami tutulong din po sa inyo pero bilang kayo na tumutulak ng ganitong adbokasiya sa kalusugan, ang ating mga kababayan na ginigipit eh kailangan namin ng abogado para tumulong dito sa problemang ito,” ani Defensor kay Gadon sa kanilang video conference.
Isiniwalat din ni Defensor na pinapirma ng waiver ang mga tinurukan ng remdevisir na nagsasaad na walang responsibilidad ang ospital at kinikilala ng mga ito ang gamot na isang “off label” lamang.
“Sana matulungan mo ang mga kababayan. Ako ay nakikiusap sa iyo na himayin natin ito at alam ko hindi makakalusot ang mga hospital na yan at mga doctor kahit nagpapirma pa sila ng waiver,” ayon pa kay Marcoleta.
“Malugod kong tatanggapin ang inyong inatang sa akin na responsibilidad na ito ay isulong. Kakasuhan natin ang mga hospital na yan at mga personalidad dyan sa DOH (Department of Health). Kung sino man ang managot dyan ay ating papanagutin,” ani Gadon.
Lumapit na sina Defensor at Marcoleta kay Gadon dahil maraming ospital ang nagpapatong umano ng hanggang 8 beses sa orihinal na presyo ng remdesivir kaya nalulubog ang mga pasyente sa hirap.
Isa sa mga kaso na tinukoy ni Defensor ang karanasan ng isang pasyente na tinurukan ng remdesivir na sinu-supply ng Evapharma na 8 beses ang taas ng presyo.
“Evapharma, P6,000 ang original price, ang per shot P48,000,” ani Defensor na hindi umano katanggap-tanggap dahil bukod sa walang pruweba na nakagagaling ito ng COVID-19 ay ipinagbawal na ito ng WHO noong Nobyembre 2020 pa lamang.
“Kawawa naman ang ating mga kababayan na nagkasakit na nga ay kailangan pang maghirap para dyan sa pagbayad ng gamot na napakalayo ng agwat, ikinamahal sa original price nito. Yan talagang hayagang pagsasamantala,” ani Gadon.
Nais din ni Defensor na ipasilip kay Gadon kung bakit pinayagan ang paggamit ng remdesivir kahit ipinagbawal na ito ng WHO.
172
