Sa pag-amin ni Quimbo sa blank bicam report BILYONG KRIMEN SA GAA BUKING

NATUKOY ang krimen na ginawa sa 2025 national budget matapos aminin ni House appropriations committee acting chairperson at Marikina Rep. Stella Quimbo na may blangko ang niratipikahang bicameral conference report at pinunan na lamang ito ng mga technical staff ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

“Magpasalamat tayo sa honesty ni Cong. Stella. Yung pag amin niya sa nangyari, inamin niyang nagkaroon ng falsification of legislative documents. Ang parusa diyan pagkakakulong ng prision correcional kasama ang multa,” ani dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.

Magugunita na unang isiniwalat nina dating pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Rep. Isidro Ungab at dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na may blank items sa Bicameral conference committee report, noong Enero 18, 2025.

Noong Lunes, inamin ni Quimbo na may mga blangko sa niratipikahang Bicam report subalit bago ito isinalang sa ratipikasyon ay may napagkasunduan na aniya ang Bicam members na halaga sa isang proyekto kaya inilagay na lamang ito ng mga technical staff sa enrolled bill na ipinasa sa Malacañang.

Subalit ayon kay Alvarez, isang krimen ang ginawa ng Kongreso dahil pagpalsipika ito sa isang mahalagang dokumento partikular na ang legislative documents.

Nagpatutsada rin ito na kailangan dumaan ang ilang mambabatas sa “parliamentary rules and procedures workshop” para malaman ng mga ito na hindi pinapayagan ang ministerial corrections ng mga technical staff sa isang panukala lalo na sa isang batas. (BERNARD TAGUINOD)

18

Related posts

Leave a Comment