KINUWESTYON sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pahayag umano ng Department of Education (DepEd) na hindi ipatutupad ang social distancing sa mga eskuwelahan sa ilalim ng Alert Level 1 kapag nagsimula na ang face-to-face classes.
Ayon kay Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, mistulang ikinokompromiso ng DepEd ang kalusugan ng mga estudyante, guro at school officials gayung hindi pa tapos ang problema sa COVID-19.
“COVID-19 is still present. Minimum health protocols should not be eased as schools prepare for face-to-face classes in the incoming school year especially when classrooms and school facilities are not adequate for providing safe spaces if social distancing protocols are eased,” ani Castro.
Bagaman batid ng lahat na siksikan ang mga estudyante sa mga silid-aralan dahil sa kakulangan ng pasilidad subalit hindi umano ito dahilan para isakripisyo ang health protocol.
“Imbes na ayusin ang matagal na problema sa masisikip na classroom ng mga mag-aaral, parang shortcut ang ginagawa ng DepEd sa pagluluwag sa pagsunod sa minimum health standard na physical distancing sa loob ng mga paaralan pagdating ng balik-paaralan,” ayon pa sa mambabatas.
Kailangan gumawa aniya ng paraan ang ahensya para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at school officials at maiwasan na kumalat muli ang pandemya pagbukas ng mga eskuwelahan.
Dalawang taon ding isinara ang mga eskuwelahan dahil sa pandemya at dahil wala umanong natutunan ang mga estudyante sa blended distance learning kaya panahon na umano para makabalik ang mga kabataan at makatanggap ng kalidad na edukasyon.
“Ngunit ang balik-paaralan na ito ay dapat siguraduhin ng DepEd na ligtas. Hindi dapat kinokompromiso ang minimum health standards para lamang masabing balik-paaralan na ang mga kabataan,” ayon pa kay Castro. (BERNARD TAGUINOD)
