NILINAW ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang anomang paunang abiso o koordinasyon mula sa People’s Liberation Army Navy (PLAN) kaugnay sa iniulat na pagbibigay ng pagkain at tubig sa isang mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ilabas ng Chinese Embassy sa Maynila noong Disyembre 26 ang pahayag na ang insidente ay isang makataong hakbang na may koordinasyon umano sa panig ng Pilipinas.
Ayon kay PCG Commodore Jay Tarriela, hindi totoo ang pahayag ng China. Hindi rin aniya palutang-lutang nang tatlong araw ang mangingisda, taliwas sa inilabas na ulat ng Beijing.
Dagdag ng PCG, ang mangingisda ay nakadaong lamang sa payao at narekober sa loob ng wala pang 24 oras.
Pinunto rin na ang insidente ay naganap sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa Zambales, kung saan walang legal na batayan ang PLAN upang magsagawa ng operasyon.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang insidente ay hindi simpleng makataong pagtulong kundi pagtatangkang baguhin ang naratibo upang gawing katanggap-tanggap ang presensyang walang hurisdiksyon.
“Hindi ito usapin ng simpleng pagtulong,” ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Ito ay pagtatangkang baguhin ang naratibo upang tabunan ang matagal nang rekord ng pananakot at panghihimasok,” aniya.
Kinilala ng Pilipinas na mahalaga ang makataong pagtulong, ngunit iginiit na hindi ito maaaring gawing dahilan upang bigyang-katwiran ang iligal na presensya sa West Philippine Sea.
Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Arbitral Award, malinaw ang karapatan ng Pilipinas sa nasabing lugar.
Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling nakabatay sa batas at ebidensya ang tindig ng pamahalaan sa isyu ng West Philippine Sea.
“Hindi props ang ating karagatan,” pagtatapos ni Goitia. “Ito ay bahagi ng Republika, at ipagtatanggol bilang ganoon.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement, na nagtataguyod ng katotohanan, katatagan, at dangal ng sambayanang Pilipino.
70 