MAYROON lamang hanggang July 19 o isang linggong palugit ang ibinigay ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield sa mga otorisadong motorcyle rider para maglagay ng barrier para sa pag-aangkas.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen Guillermo Eleazar, dalawang design ang inaprubahang barrier ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.
Ito ay ang prototype model ng Bohol Provincial Government at ang design ng isang ride-hailing company.
Nakipag-ugnayan na rin si Eleazar kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa para iutos sa mga pulis na nakatalaga sa mga quarantine control points na ipakalat ang impormasyon patungkol sa palugit na ibinigay ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, ani Eleazar ay imo-monitor at bibigyan lang muna ng warning ang mga motor rider na magkaangkas nang walang tamang barrier.
Ito ay kaugnay ng pagpayag ng gobyerno na bumiyahe ang mga magkakaangkas sa motorsiklo na mag-asawa o magka-live-in matapos itong ipagbawal nang ilang buwan dahil sa COVID-19 pandemic. (ANNIE PINEDA)
