Sa pagkakasakote sa Chinese spy INTELLIGENCE NETWORK NG AFP, PNP PAIIGTINGIN

MAS paiigtingin ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang intelligence network kasunod ng pagkakaaresto sa isang Chinese na sinasabing nag-eespiya at naniniktik sa mahahalagang instalasyon sa bansa.

Una nang inihayag ni Col. Margareth Francel Padilla, tagapagsalita ng AFP ang activation ng AFP Cyber Security Command at AFP Intelligence command kung saan pinagsanib-pwersa na ang intelligence unit ng iba’t ibang major service command para palakasin ang kanilang cyber defense at intelligence operation.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Col. Padilla na kasalukuyan nang pinag-aaralan at pinagtatagpi-tagpi ng mga awtoridad kabilang ang PNP ang mga pangyayari na may kaugnayan sa paniniktik mula sa karagatan hanggang sa kalupaan ng bansa, kasunod ito ng pagkakadiskubre sa ilang underwater drones at pagkakadakip sa isa pang hinihinalang Chinese spy kamakailan.

“In light of these developments, we urge Congress to prioritize the passage of the amendments to the Espionage Act as well as the Countering Foreign Interference and Malign Influence bill,” ani National Security Adviser Eduardo Año.

Kinumpirma ni NBI Director Jaime Santiago na naghain na sila ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban sa naarestong Chinese national at dalawang Pilipino dahil sa pang-e-espiya sa bansa.

Kinilala ng NBI ang Chinese na si Yuanqing Deng at Pilipinong sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez na nadakip sa tulong ng Philippine Navy Naval Intelligence.

Kaugnay nito, tiniyak ng DO) na mananagot sa batas ang nadakip na Chinese spy at dalawang Pilipino na kasama nito.

Ayon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, pinatutukan niya sa prosecution ang kaso at inatasan na gawin ang lahat ng hakbang nang naayon sa batas para mapanagot ang mga suspek.

Matatandaan na ipinirisinta ng NBI ang mga suspek kabilang ang kanilang mga kagamitan na kayang kumolekta ng data at bumuo ng mga 3D mas ng mga lugar at building kahit na hindi napapasok.

Kabilang sa mga naikutan ng tatlo ang ilang military bases at EDCA sites sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ/JULIET PACOT)

72

Related posts

Leave a Comment