Sa pagkalat ng Delta variant ‘WORST-CASE SCENARIO’ PAGHANDAAN

DAPAT paghandaan na ang “worst-case scenario” sa sandaling kumalat sa bansa ang mas nakahahawang Delta coronavirus variant.

Ito ang panawagan ni Dr. Gene Nisperos, board member ng non-governmental organization Community Medicine Development Foundation, sa gitna ng nadaragdagang kaso ng naturang variant.

Sa kasalukuyan ay hindi pa umano sapat ang testing at mabagal din ang rollout ng pagbabakuna para maiwasan sana ang transmission ng Delta variant sa bansa.

Paalala pa ni Nisperos, hindi dapat maulit ang sitwasyon noong nakaraang taon nang ipinagkibit-balikat ang pagsisimula ng COVID-19 pandemic.

Nakapagtala na ng walong active cases ng Delta variant sa Pilipinas.

Sa walong kaso, apat sa Cagayan de Oro, isa sa Manila, isa rin sa Misamis Oriental, habang dalawa naman ang mga Filipino na dumating sa bansa galing abroad.

Kaugnay nito, nag-iimbak na ang Department of Health ng oxygen tanks.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sinimulan nila ang paghahandang ito nang makita sa India na maraming pasyente ang hindi nabigyan ng oxygen dahil sa kawalan ng suplay.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang kagawaran sa mga lokal na pamahalaan para mag-imbak ng oxygen.

19 tripulante malusog

Samantala, iniulat ng Philippine Coast Guard na nananatiling malakas ang pangangatawan ng 19 tripulante ng towing vessel na MT Clyde at barge na Claudia, kasunod ng pagpopositibo sa COVID-19 ng labing isa sa kanila.

Sa ulat ng PCG, ang mga tripulante ay lulan ng mga sasakyang-pandagat na nakaangkla sa Albay Station.

Ayon kay Captain Francisco Vargas, ang master ng MT Clyde, normal ang body temperature ng kaniyang mga kasamahan at walang iniindang sintomas ng COVID-19.

Isinailalim kahapon sa RT-PCR test ng Department of Health at Bureau of Quarantine (BOQ) ang mga tripulante para mabatid kung may iba pang dinapuan ng virus sa kanila.

Habang hinihintay ang resulta ng swab tests, mananatiling nakabantay ang PCG upang tiyakin na wala nang makapupuslit sa mga tripulante.

Nauna nang iniulat na isa sa mga tripulante ang nagawang makapuslit at makauwi sa kanilang lugar sa Butuan kung saan siya isinasailalim ngayon sa isolation nang magpositibo rin sa COVID-19.

Nabatid na nanggaling ang mga sasakyang-pandagat sa Indonesia na dumaranas ngayon ng surge sa COVID-19 dahil sa mas mapanganib na Delta variant. (RENE CRISOSTOMO)

114

Related posts

Leave a Comment