KINATIGAN ni Philippine National Police (PNP) director general Guillermo Eleazar ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS) na nag-abswelto sa 10 pulis Laguna kaugnay ng pagkamatay ng isang menor de edad sa isang anti-drug operation sa lungsod ng Biñan noong Hunyo.
“Isang operasyon sa Laguna na nagresulta sa pagkamatay ng isang menor de edad ang tinutukan ko dahil sa mga kontrobersyal na pahayag na isa itong kaso ng human rights abuse at inaakusahan pang extra-judicial killing,” pambungad ng heneral sa isang pahayag.
Aniya, walang indikasyon ng anomang pag-abuso ng mga pulis sa isinagawang operasyon.
“Sa paglabas ng imbestigasyon na ito ng IAS, muling napatunayan na walang katotohanan ang mga paratang na may drug-related operations ang PNP na may bahid ng pang-aabuso gaya ng gustong palabasin ng iba,” ani Eleazar.
Nitong Hunyo 16, nagsagawa ng isang anti-drug operation sa Biñan ang mga operatiba ng Laguna Police Intelligence Unit laban sa isang Antonio Dalit in Biñan City. Giit ng mga pulis, nakipagpalitan ng putok sina Dalit at ang 16-anyos na si Jhondy Maglinte Helis.
Gayunpaman, itinanggi ito ng mga kaanak ng menor de edad. Anila, nakaluhod na si Helis at nagmamakaawa nang putukan ito ng mga operatiba.
Ani Eleazar, walang tumestigong magpapatunay ng mga alegasyon.
“Sa paglabas ng imbestigasyon na ito ng IAS, muling napatunayan na walang katotohanan ang mga paratang na may drug-related operations ang PNP na may bahid ng pang-aabuso gaya ng gustong palabasin ng iba,” dugtong pa ni Eleazar.
“Mabilis kaming umaksyon sa mga pang-aabuso ng ilan sa aming hanay subalit tinitiyak din namin ang proteksyon ng napakaraming mabuting pulis sa aming hanay na ginagawa lamang ang sinumpaang tungkulin na pagsilbihan at proteksyunan ang ating mga kababayan lalo sa banta ng ilegal na droga.” (CYRILL QUILO)
312 