IPINAG-UTOS ng National Police Commission (Napolcom) ang pagsibak sa serbisyo sa pitong police officer ng Caloocan City Police kaugnay sa napabalitang pagkamatay ng estudyanteng si Dion Angelo Dela Rosa sa leptospirosis sanhi ng paglusong nito sa baha dahil sa paghahanap sa ikinulong na ama.
Sa ginanap na press briefing nitong Miyerkoles, inihayag ni Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Commissioner Rafael Vicente Calinisan, nakitaan ng Commission en banc ng sapat na batayan para papanagutin ang mga sangkot na pulis dahil sa kanilang grave misconduct, grave dishonesty, incompetence, oppression, at conduct unbecoming of a police officer.
“Magsilbing leksyon ito sa mga pulis na gumagawa ng kalokohan. May katapusan na kayo. Nagbabantay tayo. Hindi natin hahayaan na ang ilang elementong sumisira sa imahe ng pulis ay manaig,” ani Calinisan sa nasabing pulong balitaan.
Una nang inihayag ng Caloocan City Police na wala silang kinalaman sa pagkamatay ng estudyante dahil sa leptospirosis. Kasunod ng paglilinaw na magkahiwalay na insidente umano ang kaso ng namatay na estudyante dahil sa leptospirosis at sa pagdakip nila sa ama nito.
Ayon sa Napolcom, nag-ugat ang administrative violations mula sa umano’y unlawful detention, falsified documentation, at fabricated criminal charges na isinampa ng mga sangkot na police officers sa ama ni Dion.
“In this particular case, maraming ebidensya ang ipinakita ng prosecution at masusi itong pinag-aralan kaya ito ay humantong sa ganitong decision,” paliwanag naman ni Napolcom Legal Service Director Atty. Mylene Caluya.
“Ito ay nagpapakita na ang strong resolve ng Commission—na ang lahat ng pang-aabuso on the part of the PNP, police scalawags ay hindi maaari, at ang ating mamamayan ay may matatakbuhan sa Commission kung kakailanganin nila,” dagdag pa ni Caluya.
Magugunitang nag-viral ang pagkamatay ni Dion nang tutukan ni Cardinal Virgilio David, ang archbishop ng Caloocan, ang insidente.
Kaugnay nito, nilinaw ni Calinisan na hindi ito pag-atake sa hanay ng kapulisan. “Hindi natin kaaway ang kapulisan. Kailangan lang talagang tanggalin sa pagpupulis ang mga walang hiya na sumisira sa uniporme at imahe. Isang morale booster ito para sa mga upright.”
(JESSE RUIZ)
78
