IPINAG-UTOS ng Malakanyang sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa bansa.
Nakasaad sa ipinalabas na Memorandum ng Malakanyang na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ang anomang resulta sa isasagawang imbestigasyon ng PNP at NBI ay isusumite sa Office of the President (OP) at Department of Justice (DoJ) sa loob ng 30 araw mula sa pagpapalabas ng nasabing kautusan.
Inatasan naman ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na magsagawa ng pagsisiyasat para sa anomang paglabag ng e-sabong licensees sa ilalim ng umiiral na terms of agreement nito at tiyakin na sumunod ang mga ito sa security at surveillance requirements sa ilalim ng Regulatory Framework for E-Sabong Off-Cockpit Betting Station partikular na ang pagkakabit ng CCTV systems sa e-sabong gaming sites.
May ilan kasing e-sabong operators ang nagpahayag na hindi pa sila nakakapagkabit ng CCTV cameras nang panahon na may nawalang sabungero lalo pa’t ang kanilang mga establisimyento ay bago pa lamang naitatayo.
Nauna nang sinabi ni Senador Ronald dela Rosa na may 34 sabungero ang nawawala kasabay ng pagiging popular ng online cockfights.
Hindi naman binanggit sa memorandum kung dapat na ngang suspendihin ng PAGCOR ang license to operate ng e-sabong at kagyat na ipatigil ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman dito hangga’t hindi nalilinawan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa ulat, kinatigan ng 23 senador ang resolusyon na humihimok sa PAGCOR na suspendihin ang operasyon ng e-sabong habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.
Isa si Senador Bong Go sa nagpahayag ng suporta sa pansamantalang suspensyon ng lisensiya ng electronic-sabong.
Sa huling tala ng PNP, nasa 31 ang naireport na nawawalang sabungero.
Nakasaad sa resolusyon na dapat munang mapatigil ang operasyon ng pitong e-sabong operators na kinabibilangan ng Belvedere Vista Corporation, Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club, Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corporation, Philippine Cockfighting International Inc., and Golden Buzzer, Inc.
Nakasaad din sa resolusyon na nangangamba ang mga law-enforcement agency na maaari pang tumaas ang bilang ng nawawala kung magpapatuloy ang operasyon ng e-sabong.
Lumalabas na well organized group ang nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Ayon rin sa PNP, hirap silang makakuha ng sapat na ebidensya dahil sa kawalan ng mga material evidence gaya ng CCTV camera footage sa mga sabungan. (CHRISTIAN DALE)
248
