Sa paglabag sa SALN Law AJ LEONEN PINASISIBAK SA SUPREME COURT

WALANG karapatang manatili sa Supreme Court (SC) ang mga mahistradong binabalewala at hindi ipinatutupad ang anomang batas ng bansa kahit noong hindi pa sila miyembro ng mataas na korte.

Ang pananaw na ito ay nakabatay sa konseptong “rule of rule” na pinaniniwalaan ng lahat ng mga abogado at mamamayan sa lahat ng bansa sa daigdig.

Isa sa mga batas nang umiiral sa bansa ang Republic Act 6713, o ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) Law na sakop ang lahat ng opisyal at kawani ng mga ahensiya ng tatlong sangay ng pamahalaan.

Alinsunod dito, hiniling ni Atty. Larry Gadon sa Office of the Solicitor General (OSG) na kumilos ito laban kay Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen.
Kumilos si Gadon nang madiskubre niya sa mga opisyal na rekord ni Leonen sa pagtatrabaho nito sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City na hindi naghain ng SALN ang mahistrado sa matagal na panahon.

Hiniling ni Gadon kay SolGen Jose Calida na maghain ito ng petisyong “quo warranto” laban kay Leonen kaugnay sa paglabag sa R.A. 6713.
Ang UP ay pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan.

Kaya, ang lahat ng kawani, lalo na dekano at opisyal, ng alinmang yunit sa UP ay tungkulin at obligasyong maghain ng kanilang SALN sa pamahalaan.

Batay sa rekord ng UP, si Leonen ay naging parte ng faculty ng UP – College of Law noong 1989 hanggang 2010.

Sa panahong ito, si Leonen ay naging vice – president for legal affairs ng unibersidad noong 2005.

Siya ay naging dekano ng UP-College of Law noong 2008.

Umalis siya sa UP noong Hulyo 2010 dahil itinalaga siya ng noo’y Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang “chief negotiator” ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Nang matapos ang usapan ng dalawang kampo, iwinasiwas ni Aquino na makakamit na ang kapayapaan sa Mindanao.

Dahil sa pananaw na ito ni Aquino, itinalaga niya si Leonen sa Korte Suprema noong Nobyembre 21, 2012.

Ngayong taon, naungkat sa Office of the Ombudsman na si Leonen ay hindi nagpasa ng kanyang SALN mula 1989 hanggang 2003 at mula 2008 hanggang 2009 sa nasabing tanggapan.

Wala rin umanong rekord ng SALN ni Leonen ang UP sa parehong mga taon.

Sa kanyang liham kay Calida, tinumbok ni Gadon na maaaring gamitin ang quo warranto upang matanggal si Leonen sa SC dahil ang nasabing petisyon din ang naging daan upang matanggal si

Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng SC noong 2018.

Ang iginiit ni Calida sa kanyang quo warranto laban kay Sereno ay “nawalan ng integridad” ang punong mahistrado dahil hindi ito naghain ng SALN habang nagtuturo pa ito sa UP College of Law. (NELSON S. BADILLA)

181

Related posts

Leave a Comment