KINUMPIRMA ni Dr. Rolly dela Cruz, hepe ng Epidemiology and Surveillance Disease Department, na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Quezon City nitong pagpasok ng Disyembre 2020.
Sa cellphone interview kay Dr. Dela Cruz, sinabi niyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ang paglabas ng mga tao ngayong pagpasok ng Disyembre.
Ayon kay Dr. Dela Cruz, hanggang Disyembre 10, nakapagtala ang Quezon City ng active cases sa bilang na 886, habang 741 ang namatay, at 24,543 ang nakarekober, na katumbas ng 94%.
Nakapagtala naman ng 26,170 kumpirmadong kaso ng virus sa nasabing lungsod.
Kasabay nito, inamin ni Dr. Dela Cruz, nitong nakalipas na mga araw ay nangunguna ang Quezon City sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
Kaugnay nito, muling ipinaalala ni Dr. Dela Cruz sa mga taga-Quezon City na laging sundin ang health protocols na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF), partikular ang pagsusuot ng face mask, face shield at umiwas sa maraming mga tao.
Ipinaalala rin ni Dr. Dela Cruz na bawal pa rin sa siyudad ang mga pagtitipon ngayong darating na holiday season.
Aniya, kailangang sundin ng mga pamilya na limitado lamang sa sampu katao ang pinapayagan na magtipon-tipon sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong Bagong Taon. (JOEL O. AMONGO)
