MAGLALABAS ngayong linggo ang Metro Manila mayors ng “opisyal na gabay” tungkol sa pagpapaliban sa pagbubukas ng mga sinehan at pasyalan sa National Capital Region (NCR) dahil sa pagsipa ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Batay ito sa kasunduan ng Metro Manila Council (MMC) noong Sabado, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., matapos makipagpulong ang mga alkalde sa Department of Health (DOH).
Ngayong Marso ang pagbubukas sa 25% kapasidad ng mga sinehan sa NCR.
Nabatid ng mga alkalde na pumapalo sa 900 ang kaso ng COVID-19 sa NCR, ayon sa OCTA Research.
Pinakamataas ito sa nakalipas na anim na buwan.
Marami na ring kaso ng South African at United Kingdom variants ng COVID-19 sa NCR, ayon naman sa DOH.
Ayon kay Abalos, babalangkasin ang resolusyon ng MMC tungkol sa suspensyon ng pagbubukas ng mga sinehan at pasyalan na posibleng magtagal ng tatlo hanggang apat na linggo, depende kung paano makokontrol ang pagsipa pa ng COVID-19.
Ang MMC ay policy-making body ng MMDA. (MARINHEL T. BADILLA)
295
