SA PAGTALIKOD NG PINAS SA VFA WARSHIP NG US IPINORMA SA WPS

KINUWESTYON ng isang militanteng mambabatas ang motibo ng Amerika sa pagde-deploy ng kanilang war ship sa West Philippine Sea sa gitna ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kahina-hinala ang pagde-deploy ng Amerika sa kanilang USS Montgomery sa WPS na itinaon sa pagpapadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng official communication na ibinabasura na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang VFA.

“President Duterte should call out the US for deploying USS Montgomery to West Philippine Sea under the guise of freedom of navigation, as such move may add fuel to the current tensions arising from the VFA termination,” ani Brosas.

Hindi masabi ng mambabatas kung nananakot ang Amerika dahil tumatalikod na ang Pilipinas sa kanila subalit nababahala ito dahil ang USS Montgomery ay may missiles launch capabilities aniya.

Isa si Brosas sa mga sumusuporta kay Duterte na ibasura na ang VFA dahil one-sided umano ang kasunduang ito sa pagitan ng Pilipinas at Amerika at ginagawang training ground lang ng US military ang ating bansa.

Nagiging daan din umano ang nasabing kasunduan upang magpatuloy ang pakikialam ng Amerika sa internal affairs ng Pilipinas bukod sa wala namang naitutulong ang bansang ito para protektahan ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.

Magugunita na sinakop ng China ang 7 reef ng Pilipinas sa WPS  mula 1995 at tinayuan na umano ang mga ito ng military bases na armado ng mga missiles at nangyari ito sa panahon na matatag ang ugnayang militar ng dalawang bansa.

APPROVAL
NG SENADO

Samantala, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na kailangan aprubahan muna ng Senado bago tuluyang maibasura ang anomang tratado kabilang ang VFA.

Sa panayam, sinabi ni Sotto na nakatakda sa Rules of the Senate na kailangan may concurrence ang Mataas na Kapulungan sa ratipikasyon o terminasyon ng anomang tratado.

Nitong Martes, pormal na inihain ng Duterte administration sa United States Embassy ang desisyon na ibasura ang VFA.

Pero nitong Lunes, inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution No. 312 na humihiling kay Pangulong Duterte na ikonsidera ang desisyon na ibasura ang kasunduan.

“It appears that it is still in effect because there are 180 days before it is totally terminated based on the agreement itself,” ayon kay Sotto sa radio interview.

“But, yesterday, we conducted a study, because there is a thinking in the Senate that any treaty or agreement entered into by the government will not be effective if it is not ratified by the Senate and, just the same, if it will be canceled or terminated, the Senate must concur as the ratifying body,” dagdag niya.

Palaging igigiit ng Malacañang na hindi na kailangan ang concurrence ng Senado sa pagbasura ng VFA kaya uminit ang diskusyon na tila sinasaklawan ng executive branch ang kapangyarihan ng Kongreso.
Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, isa sa mga awtor ng SRN 312 na kahit wala ang VFA, makakaya ng Filipino at ating sundalo.

“The Filipino people are resilient and our soldiers are no different,” aniya.
BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES

181

Related posts

Leave a Comment