GEN Z ni LEA BAJASAN
MAY mga kwento talagang hindi lang nakalulungkot. Nakapanlalamig din. Ganyan ang naramdaman ko nang mabasa ko ang tungkol sa isang rider na ninakawan habang papunta sa trabaho. Hindi gadgets ang dala niya. Hindi mamahaling gamit. Ang dala niya ay pera. Ipon na sana’y para sa pagpapagamot ng anak niyang nasa ospital.
Huminto siya sandali bandang alas-dos ng madaling araw para magpahinga. Doon siya inatake ng dalawang lalaki. Pinukpok siya sa ulo, ninakawan ng bag, motor, at cellphone. Pero ang pinakamasakit, kasama sa ninakaw ang perang para sa anak niya. Iyon na nga lang ang pag-asang hawak niya.
Pagdating niya sa ospital, wala na ang bata.
Na-trace ng mga pulis ang mga suspek sa pamamagitan ng CCTV. Pareho silang may mga kaso noon. Isa ay sangkot sa droga. Isa naman ay dating nagnakaw. Sabi nila, wala raw silang kasalanan. Pero sinampahan pa rin sila ng mga kasong robbery, carnapping, at pagsisinungaling sa pulis.
Nakagagalit sa totoo lang. Hindi lang dahil may masasamang loob pa rin sa kalsada. Kundi dahil may batang namatay, hindi lang dahil sa krimen, kundi dahil sa sistema nating puro bayad bago malasakit. Bakit kailangan pang magtrabaho sa madaling araw habang ang anak ay naghihingalo?
Kung maayos lang ang kalagayan ng kalusugan sa bansa natin, baka buhay pa ang anak niya. Baka hindi na niya kailangang bumiyahe ng ganoong oras. Pero sa sistema natin, kailangan may pera ka bago ka tulungan. Kapag wala kang pambayad, parang wala ka ring karapatang mabuhay. Masakit man aminin, pero ganyan ang totoo.
Sana nakatira tayo sa bansang hindi parang premyo ang serbisyong medikal. Sana hindi na tayo magdadalawang-isip pa kung pupunta ba sa ospital dahil ayaw malubog sa utang paglabas. Sana ang mga ospital, tumulong dahil tao ka, hindi dahil may dala kang pera. Sana hindi ganito kahirap ang mabuhay kapag wala kang pera.
Masakit makita na ang mga taong nagsusumikap nang tapat, sila pa ang nauubusan. Mas masakit pa na kapag nawalan sila, wala man lang sumasalo sa kanila. Ang dami pang kagaya ng rider na ito. Hindi lang sila nababalita. Tahimik lang silang nagdadala ng sakit, habang nagtatrabaho pa rin.
Ibinahagi ang kwento ng rider na ito dahil masakit. Pero marami pa ang hindi natin naririnig. Hindi sila umaaray sa camera. Hindi sila humihingi ng awa. Tinitiis lang nila ang lahat.
Sana matutong umalalay ang lipunan natin bago pa maging ganito kalala ang sitwasyon. Sana ayusin na ang mga sirang bahagi ng sistema. Sana wala nang magulang ang kailangang ipagpalit ang sariling kaligtasan kapalit ng pera, para lang subukang iligtas ang anak nila.
